INDEPENDENCE, Ohio – Apat na araw na lamang at magbubukas na ang bagong season ng NBA.
Ngunit wala pang katiyakan kung makakapaglaro si NBA superstar LeBron James para sa Cleveland Cavaliers.
Hindi pa rin nag-e-ensayo si James dahil sa kanyang sumasakit na likod at hindi sigurado kung makikita siya sa aksyon sa pagsagupa ng Cavaliers sa Chicago Bulls sa Martes.
Tinurukan ang four-time MVP ng anti-inflammatory injection sa kanyang likod noong Oktubre 13.
Hindi pa siya sumasali sa ensayo dahil hindi pa siya pinapayagan ng medical at training staffs ng Cleveland.
“If everything goes right,” ani James. “We feel like we’re progressing really well and if we can continue to do that, then I’m optimistic that I’ll be able to go.”
Kamakailan ay sinabi ni Cavs coach David Blatt na si James ay siguradong maglalaro kontra sa Bulls.
Ayon naman kay Cavaliers general manager David Griffin na maaari nilang ipahinga si James sa kanilang season opener.
“He really wants to compete,” wika ni Griffin kay James.
“I don’t think that there’s any reason that he won’t play on Tuesday. We have no reason to believe that, but we also are of the mindset that it wouldn’t be the end of the world if he didn’t play on Tuesday. We just want him to get better every day.”