MANILA, Philippines – Hindi na ginamit ni coach Jamike Jarin ang mga beteranong sina Arthur Dela Cruz at Baser Amer at 6-foot-8 Nigerian import Ola Adeogun sa dikitang fourth quarter at inasahan ang kanyang mga second stringers upang talunin ng No. 1 Red Lions ang No. 4 Jose Rizal Heavy Bombers, 78-68 sa Final Four ng 91st NCAA men’s basketball tournament kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang ika-10 sunod na finals appearance ng San Beda at hangad ang kanilang ikaanim na dikit na korona.
Makakatapat ng Red Lions sa NCAA Finals ang No. 2 Letran Knights, sumibak sa No. 3 Mapua Cardinals, 91-90 para sa kanilang unang finals stint matapos noong 2013 at puntirya ang una nilang titulo makaraan ang 11 taon.
Sisimulan ng San Beda, may kabuuang 19 korona, at ng Letran, bitbit ang 16 titulo, ang kanilang best-of-three championship series sa Biyernes.
Mula sa 48-50 agwat sa Heavy Bombers sa hu-ling dalawang minuto ng third period ay umatake sina Amiel Soberano, Roldan Sara at Javee Mocon para sa 56-53 abante ng Red Lions papasok sa fourth quarter.
Isang 10-3 ratsada nina Sara, Mocon at 6’7 Nigerian import Donald Tankou ang naglayo sa San Beda sa 66-58 sa 5:36 minuto ng laro hanggang tuluyan nang dispatsahin ang Jose Rizal sa 76-68 sa natitirang 28.5 segundo.
Tuluyang sinelyuhan ni Kevin Racal ang panalo ng Knights matapos isalpak ang dalawang free throws sa natitirang 31 segundo para muling iwanan ang Cardinals sa 90-85.
Sa juniors’ division, sinibak ng Arellano Braves ang Mapua Red Robins, 85-79, sa step-ladder semifinals para hamunin sa Finals ang San Beda Red Cubs, may bitbit na ‘thrice-to-beat’ advantage dahil sa pagwalis sa eliminasyon.