MANILA, Philippines - Sa kabila ng napaulat na pag-atras niya sa negosasyon para labanan si Manny Pacquiao ay hindi pa rin ganap na isinasara ni Amir Khan ang kanyang pintuan para sa tsansang makatapat ang Filipino icon.
Sa panayam ni John Dennen ng Boxing News, sinabi ng British star na pagod na siyang maghintay na maplantsa ang kanilang laban ni Pacquiao kagaya ng nangyari sa nabigong paghaharap nila ni Floyd Mayweather Jr.
Nagretiro na si Mayweather at wala nang ibang makakalaban si Khan kungdi si Pacquiao.
“It’s a good fight for me and I know it’s a big fight. Fight fans want the fight. But it seems to me that [I’m] waiting around and I don’t want to be in the same position as I was against Floyd Mayweather,” sabi ni Khan kay Dennen.
Noong nakaraang linggo ay napaulat na umayaw na si Khan, da-ting lightweight at junior welterweight champion, sa pakikipag-usap sa kampo ni Pacquiao.
Sinabi niyang hindi pa pumipirma ng kontrata ang Filipino boxer.
“I’d been promised the fight, then it didn’t happen. To be honest with you I’ve just left it with my team, I am looking at other opponents at the same time. If it doesn’t happen I’ve got plan B,” wika ni Khan.
“There’s contracts there. But I just want to make sure I’ve got plan B because it seems to me that Manny’s team don’t really want it but I don’t know, I might be wrong,” dagdag pa nito.
Nangako si Pacquiao na muling lalaban sa susunod na taon bago ang May elections kung saan hangad niyang makakuha ng puwesto sa Senado.
Maliban kay Khan, ang iba pang maaaring labanan ng fighting congressman ay sina Kell Brook, Timothy Bradley, Terrence Crawford at Juan Manuel Marquez.
Kung hindi naman maitatakda ang laban nila ni Pacquiao ay puwedeng targetin ni Khan ang mga tumalo sa kanyang sina Danny Garcia at Lamont Peterson.
“He’s (Pacquiao) the biggest name in boxing at the moment,” sabi ni Khan. (DM)