Naka-1 na ang RC Cola
MANILA, Philippines – Magarang pagbubukas ang ginawa ng nagbabalik na RC Cola-Air Force Raiders nang pabagsakin nila ang Meralco Power Spikers, 25-20, 17-25, 20-25, 25-21, 15-13 sa 2015 Philippine SuperLIga (PSL) Grand Prix women’s volleyball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Inilabas ni Lynda Morales ang porma ng pagiging isang beterana ng FIVB World Women’s Championship para sa Puerto Rico noong nakaraang taon nang maghatid ng 26 puntos mula sa 19 kills at pitong blocks.
Ang kanyang huling atake ay lumusot kina Charleen Cruz at Mary Joy Baron para ibigay sa Raiders ang matchpoint, 14-13.
Sa sumunod na tagpo ay binutata ni Morales si Liis Kullerkann at kahit nakuha pa ng Power Spikers ang bola ay kinapos ang spike ni Cruz para sa 1-0 bentahe ng RC Cola sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller.
“Nawalan kami ng receive sa second at third set at ito talaga ang naging problema namin sa laro. Si Lynda, magaling talaga siya pero hindi namin siya ma-maximize kahit kami maka-receive,” wika ni Raiders coach Rhovyl Verayo.
Si Sara Christine McClinton ay mayroon pang 20 puntos, tampok ang 16 kills at 3 blocks, habang ang setter na si Rhea Dimaculangan ay mayroong apat na service aces bukod sa 20 excellent sets.
Si Kullerkann ay mayroong 18 puntos, kasama ang 15 kills, habang sina Mika Reyes at Cruz ay mayroong 15 at 11 puntos.
Pero ang isa pang import na si Christina Alessi ay pinaglaro lamang sa first set dahil patuloy na nagpapagaling sa ankle injury para gumulong sa tatlo ang kanilang losing streak.
- Latest