Weightlifter Diaz susuportahan ng POC at PSC sa asam na Olympics
MANILA, Philippines – Walang dahilan para magkaroon pa ng problema ang ginagawang paghahanda ni Hidilyn Diaz para sa 2016 Rio Olympics sa Brazil.
Ito ay dahil sa sinang-ayunan ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) ang kahilingan na bigyan ang 24-anyos lady lifter ng strength and conditioning coach, psychologist, nutritionist at medical doctor para matiyak na lahat ng kanyang ginagawa sa pagsasanay ay nasa tamang pamamaraan.
“First time ko po na magkaroon ng isang team at talagang malaki ang maitutulong nito sa akin dahil lahat ng gagawin ko ay nasa tama,” wika ni Diaz na beterana ng 2010 Beijing at 2014 London Olympics.
Malaki ang paniniwala ngayon kay Diaz na makakapaghatid siya ng medalya sa Rio Olympics dahil bumaba siya tungo sa 53-kilograms mula sa 58-kilograms.
Nakita ang bunga ng desisyon nang itanghal siyang kampeon sa South East Asian Weightlifting Championships noong Hunyo at sa Asian Weightlifting Championships noong Set-yembre na parehong ginawa sa Thailand.
Sasali pa si Diaz sa World Weightlifting Championships sa Houston, Texas sa Nobyembre na kung saan inaasahang walang magiging problema ang paghahabol niya ng upuan sa Rio Games.
Nagsimula na uli si Diaz sa pagsasanay at nais niyang higitan ang 98kg sa snatch, 118kg sa clean and jerk para sa 214kg total sa Asian meet sa pagbuhat ng 102kg at 120kg para sa 122kg total.
Kung magagawa ni Diaz ito ay lalapit siya ng apat na kilograms para pantayan ang gold medal lift ni Zulfiya Chinshanlo ng Kazakhstan na 226kg (95kg snatch at 131kg clean and jerk).
“Tinalo ko siya noong 2008 Asian Weightlifting Championships sa 53-kilogram class. Siya ang London gold medalist at hindi ko pa siya nakikita at sinasabing nag-retire na. Pero hindi ako umaasa at patuloy lang sa training,” dagdag ni Diaz.
Si Nestor Colonia na nanalo rin sa Asian Championships sa men’s 56kg ay patuloy din ang pagsasanay para makapag-qualify sa Rio Games sa World meet.
Kung sakaling palarin, ito ang magiging kauna-unahang pagkakataon na may male at female lifter na isasali ang bansa sa Olympics. (AT)
- Latest