Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. – Ateneo vs NU (Game 3, Finals)
MANILA, Philippines – Isang klasikong tagisan ang inaasahang magaganap sa pagitan ng Ateneo Lady Eagles at National University Lady Bulldogs sa huling laro sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Tiyak na mag-uumapaw ang palaruan ng mga panatiko ng magkabilang koponan na magtutuos sa ganap na alas-12:45 ng hapon dahil ang mananalo ang siyang mag-uuwi ng titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Nauwi sa 1-1 ang best-of-three series nang unang manalo ang Lady Eagles noong Setyembre 20 (25-19, 25-13, 25-21) bago bumawi ang nakumpletong Lady Eagles noong Setyembre 27 (25-22, 25-17, 25-17).
Bagama’t nanalo sa huling laban, hindi masasabi na nasa NU ang momentum dahil isang linggo na ang lumipas para makapaghanda nang husto ang Ateneo.
“We will be going all-out for the win. Gusto natin na mag-champions and the players are determined to win this one,” sabi ni Lady Bulldogs coach Roger Gorayeb.
Aminado siya na lamang sila sa height dahil bumalik na si 6-foot-2 Dindin Manabat para makatambal uli ang kapatid na si 6’4 Jaja Santiago.
Hindi rin patatalo ang mga beteranang spikers na sina Myla Pablo, Jorelle Singh at Aiko Urdas, habang subok na sa matinding labanan ang setter na si Rubie de Leon.
Pero ang isang bagay na dapat nilang gawin ay ang pigilan uli ang mahusay na si Alyssa Valdez na matapos gumawa ng 20 puntos sa Game One ay nalimitahan sa 9 puntos sa Game Two.
“Kailangang malimitahan namin si Alyssa dahil ang average niya ay nasa 20 points a game. Mahalaga na makuha ng libero namin ang mga palo ni Alyssa,” dagdag ni Gorayeb.
Sa kabilang banda, kumbinsido si assistant coach Parley Tupaz na makakabangon ang kanyang bataan sa pagkatalo sa huling laro para makuha ang korona.
“Okay naman si Alyssa at ang mahalaga sa amin ay maibigay ang bola sa aming setter. Kailangan din na magkaroon kami ng magandang receive para makaopensa kami,” ani Tupaz na siyang dumidiskarte kahalili ni Thai coach Tai Bundit na nasa Thailand para sa isang seminar.
Bukod kay Valdez, dapat ding manumbalik ang galing nina Amy Ahomiro, Bea de Leon, Jhoanna Maraguinot at Kim Gequillana para hindi masayang ang 10-0 maagang pamamayagpag ng Lady Eagles sa liga.