Sasagupain ang Iranians ngayon: Nationals dinaig ang Japanese team
CHANGSHA, China -- Nalampasan ng Gilas Pilipinas ang pagkakaroon ng ankle injury ni naturalized player Andray Blatche sa third period para talunin ang Japan, 73-66, sa pagsisimula ng second round ng 2015 FIBA Asia Championship kagabi dito sa Changsha Social Work College Gymnasium.
Tinulungan ng 6-foot-10 na si Blatche ang Nationals na makabangon mula sa 19-29 pagkakaiwan sa Japanese para kunin ang kanilang pangatlong sunod na panalo.
Nagkaroon ng ankle injury si Blatche nang suwagin ang depensa ng Japan sa ilalim ng walong minuto sa third quarter.
Sa kabila nito ay naglaro pa rin si Blatche at tumapos na may 18 points.
Nagdagdag si Ranidel De Ocampo ng 13 markers kasunod ang tig-12 nina Jayson Castro at Terrence Romeo at 10 ni Calvin Abueva.
Mula sa 10-point deficit ay nagbida sina Castro at Romeo para ibigay sa Gilas Pilipinas ang 35-33 abante.
Tumipa si Makoto Hiejima ng 17 points sa panig ng Japan.
Ang Top Four sa Group E ang aabante sa quarterterfinals kalaban ang Top Four mula sa Group F na binubuo ng China, Qatar, South Korea, Lebanon, Qatar at Kazakhstan.
Samantala, lalabanan ng Gilas Pilipinas ang nagdedepensang Iran ngayong alas-11:45 ng tanghali kung saan inaasahang magtatapat sa shaded lane sina Blatche at 7’2 giant Hamed Haddadi.
Huling nanalo ang Gilas Pilipinas sa Iran noong 2012 Jones Cup bago rumesbak ang Iranians sa FIBA Asia Cup sa Tokyo.
Noong 2015 Jones Cup ay dinaig ng Iran ang Gilas Pilipinas, 74-65.
Inilampaso ng mga Iranians, naghari sa tatlo sa huling apat na edisyon ng biennial Asian meet, ang Hong Kong, 111-56, sa pagsisimula ng second round.
Ang Iran ang pinakaimpresibong koponan sa torneo mula sa kanilang 86-48 panalo sa Japan; 88-66 pagdurog sa India; at 122-42 paglampaso sa Malaysia sa first round.
Si power forward Mohammad Saberi ang leading performer ng Iran sa first round sa kanyang 19.7 points, 10.3 rebounds at 2.0 steals per game averages katuwang sina Haddadi, Nikkhah Bahrami, Mahdi Kamrani at Asghar Kardoust.
Hangad ng Iran ang automatic playoff top seeding mula sa Group E.
Samantala, tinalo naman ng India ang Palestine, 73-70.
Kumamada si 6’8 forward Amjyot Singh ng 32 points at 11 rebounds para sa panalo ng mga Indians.
- Latest