Planong training center sa Clark isinantabi na ng POC
MANILA, Philippines - Hindi na matutuloy ang planong training center sa Clark, Pampanga sa taong ito.
“Hindi na ako umaasa,” wika ni POC president Jose Cojuangco Jr. “Maghaha-nap na lang ako ng ibang lugar.”
Naunang tinatarget ng POC at PSC ang 50-ektaryang lupain na nasa pamamahala ng Clark International Airport Authority (CIAA) pero naudlot ang plano dahil naniningil ang CIAA ng P150,000.00 kada ektarya.
Lumalabas din na malabong pa-kinggan ang kahilingan ni Cojuangco na babaan ang halaga o ibigay na lamang ng libre ang lupa dahil mga atleta naman ng bansa ang makikinabang dito dahil kritiko siya ng kasalukuyang administrasyon.
“It’s beyond me. Tungkol sa sports ang pinag-uusapan pero pinapasukan ng pulitika,” dagdag pa ni Cojuangco sa radio program ng POC sa DZSR Sports Radio.
Hindi naman isinasara pa ni Cojuangco ang pintuan para sa plano sa Clark pero mangyayari lamang ito kung magiging kasundo niya ang papasok na administrasyon.
Ang PSC ay kikilos na at ipapaayos na lamang ang ibang pasilidad na nasa Rizal Memorial Sports Complex.
- Latest