MANILA, Philippines – Kagaya ng dapat asahan, pinatawan ng one-game suspension ng NCAA Management Committee sina Enjerico Diego at Raymund Pascua ng Emilio Aguinaldo College at si Nick Cabiltes ng Perpetual Help.
Ito ay dahil sa pakiki-pagbalyahan ni Diego kay Cabiltes sa huling 1:28 minuto ng fourth quarter, habang akmang susuntukin ni Pascua si Cabiltes.
“The three will receive automatic one-game suspension,” sabi ni NCAA Management Committee chairwoman Melchor Divina ng Mapua.
Matapos maawat sa loob ng basketball court ay itinuloy naman nina Diego at Pascua ang pakikipagsuntukan kay Cabiltes sa labas ng The Arena sa San Juan City na kinasangkutan din ni EAC import Sydney Onwubere.
Sinabi ni Divina na iniimbestigahan na ng ManCom ang naturang insidente.
Inilampaso ng Altas ang sibak nang Generals, 89-59 para makasalo sa liderato ang Letran Knights at five-peat champions na San Beda Red Lions sa magkakatulad nilang 11-4 record.
Isisilbi nina Diego at Pascua ang kanilang suspensyon sa pagharap ng EAC sa talsik nang Lyceum of the Philippines sa isang ‘non-bearing game’ sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament ngayong alas-2 ng hapon sa The Arena.
Hindi naman magla-laro si Cabiltes sa pagsagupa ng Perpetual sa Jose Rizal bukas.
Sa alas-4 ng hapon ay maghaharap ang mga bakasyunistang St. Benilde Blazers at San Sebastian Stags, gumulat sa Red Lions, 98-92, kamakalawa.