MANILA, Philippines - Ikaapat na sunod na panalo ang hanap ng UST Tigers habang unahan sa pangatlong dikit na tagumpay ang magaganap sa labanan ng Ateneo Eagles at UE Warriors sa 78th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lalayo pa sa mga katunggali ang UST kung mapapanatili ang magandang panimula laban sa kinakapos na nagdedepensang kampeong National University Bulldogs na siyang tampok na laro matapos ang bakbakan ng Eagles at Red Warriors sa ganap na ika-2 ng hapon.
Bagama’t binubuo halos ng mga baguhang manlalaro ay nakakapagpasikat ang tropa ni coach Derrick Pumaren dahil sa mahusay na paglalaro ni Edison Batiller para magwagi sa huling dalawang asignatura kontra sa Bulldogs (76-71) at Adamson Falcons (89-78).
Si Batiller ay naghahatid ng 21 puntos kada-laro pero 11 iba pa ang umiskor para sa UE upang magkaroon ng balanseng pag-atake.
Kung mapapanatili nila ang ganitong mataas na kalidad ng paglalaro ay malalaman dahil ang Eagles ay may two-game winning streak din na tinapos ng isang 74-70 double overtime panalo sa NU.
Si Kiefer Ravena pa rin ang kamador ng Eagles ngunit may maasahan sila sa bench tulad ni Nigerian center Chibueze Ikeh na tumapos taglay ang 14 puntos at 17 rebounds sa huling laro.
Ang mga beteranong sina Ed Daquioag, Kevin Ferrer at Karim Abdul ang muling magdadala sa laban ng Tigers kontra sa Bulldogs na tiyak na magpupursigi pa upang matapos ang tatlong dikit na pagkatalo.
“Habang may game, may pag-asa pa. We have to focus now against UST. We have to continue working hard,” wika ni Bulldogs coach Eric Altamirano.
Si Gelo Alolino ang kanilang leading scorer sa 19.3 average upang siyang asahan muli ngunit krusyal ang ilalaro ni Alfred Aroga lalo pa’t may masipag na Abdul ang Tigers.