Kiamco pasok sa Last 16
MANILA, Philippines - Binigyan ni Warren Kiamco ng ipagdiriwang ang delegasyon ng Pilipinas na naglalaro sa 2015 World 9-ball Championship nang umabante siya sa Last 16 kahapon sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Hindi binigyan ni Kiamco ng anumang puwang na makaporma si Jalal Yousef ng Venezuela tungo sa 11-7 panalo sa round-of-32.
Ang tagumpay ay pumawi sa masasaklap na pagkatalo ng mga kababayang si Carlo Biado at Jeffrey Ignacio sa mga naunang laro sa nasabing yugto.
Tinakasan ng suwerte ang dating world number one na si Biado sa laban kay Ko Pin-yi ng Chinese Taipei tungo sa 4-11 pagkatalo.
Ito na ang ikalawang sunod na pagkakataon na namayani si Ko kay Biado matapos ang 11-9 tagum-pay sa World 10-ball Finals noong Pebrero sa Ge-neral Santos City.
Namaalam na rin si Ignacio sa nilasap na 6-11 pagyuko kay Aloisius Yapp ng Singapore.
Magkakaroon ng pagkakataon si Kiamco na ang pinakamalaking panalo sa taon ay nakuha sa Derby City Classic 9-ball division, na maiganti si Biado dahil katapat niya si Ko sa Last 16.
Ang aksyon kagabi ay hanggang quarterfinals habang ang semifinals at finals ay paglalabanan ngayon.
Sina Dennis Orcollo at Oliver Medenilla ay lu-malaban pa para sa upuan sa Last 16.
Kalaban ng World 8-ball champion at SEA Games gold medalist na si Orcollo si Hunter Lombardo ng US habang katapat ni Medenilla si Chang Yu-lung ng Taipei.
- Latest