Wala pa sa isip ni Manny ang susunod niyang laban
MANILA, Philippines - Bagama’t apat na pangalan ang nababanggit na maaaring labanan ni Manny Pacquiao sa susunod na taon, wala pa rin ito sa isipan ng Filipino world eight-division champion.
Sa panayam ng The Guardian ay sinabi ni Pacquiao na ang pagpapagaling sa kanyang inoperahang kanang balikat ang kanyang ginagawa sa kasalukuyan.
“Boxing is not my focus because I can only fight next year, to give my shoulder a rest,” sabi ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) na nagmula sa unanimous decision loss kay Floyd Mayweather, Jr. (49-0-0, 26 KOs) noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Matapos ang limang araw ay nagpaopera ang 36-anyos na Filipino boxing superstar para sa kanyang right shoulder injury.
Noong Linggo ay inihayag na ng 38-anyos na si Mayweather ang kanyang pagreretiro makaraan ang panalo kay Andre Berto sa MGM Grand.
Marami ang umasang magkakaroon ng rematch sina Pacquiao at Mayweather.
“I’m OK. Whether there is a second [bout with Mayweather], it’s not a problem,” sabi ng Sarangani Congressman. “I heard he has retired, so it doesn’t matter.”
Dahil sa kanyang kabiguan ay nalaglag si Pacquiao sa No. 8 sa pinakabagong Top 10 ‘pound-for-pound’ list ng The Ring Magazine.
Sa pagreretiro ni Mayweather ay si World Boxing Council flyweight king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez (43-0-0, 37 KOs) ng Nicaragua ang nahirang na bagong ‘pound-for-pound’ king.
Nakatakdang hamunin ni dating Fil-Am two-division world champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria (36-4-0, 22 KOs) si Gonzalez sa Oktubre 17 sa Madison Square Garden sa New York City.
Bukod kina Gonzalez at Pacquiao, ang iba pang nasa Top 10 ng The Ring ay sina Andre Ward (No. 2), Sergey Kovalev (No. 3), Gennady Golovkin (No. 4), Guillermo Rigondeaux (No. 5), Wladimir Klitschko (No. 6), Terence Crawford (No. 7), Shinsuke Yamanaka (No. 9) at Kell Brook (No. 10).
Sina Crawford (26-0-0, 18 KOs) at Brook (36-0-0, 24 KOs) ay nauna nang nabanggit na maaaring makatapat ni Pacquiao sa susunod na taon.
Ang dalawa pa ay sina Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) at Danny Garcia (31-0-0, 18 KOs).
- Latest