Shakey’s V-League Collegiate Conference Unahan sa 1-0 bentahe
Laro NGAYON
(The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. – Ateneo vs UST
3 p.m. – NU vs FEU
MANILA, Philippines - Dahil magkasunod ang playdate walang puwang ang maling diskarte para sa apat na nakatayong koponan na magkikita-kita sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang best-of-three series ay sisimulan ngayon at ang magwawagi ay mangangailangan na lamang na manalo sa Game Two bukas (Linggo) para selyuhan ang pagtutuos sa championship sa ligang inor-ganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Sa ganap na ika-12:45 ng hapon magsusukatan ang Ateneo Lady Eagles at UST Tigresses at susundan ito ng tapatan sa hanay ng nagdedepensang kampeon FEU Lady Tamaraws at National University Bulldogs dakong alas-3 ng hapon.
Hindi pa natatalo ang UAAP champion Lady Eagles sa torneo at napapaboran na manalo sa Tigresses na nalagay sa ikaapat na puwesto matapos ang quarterfinals.
Dinaig sa unang laro ng liga, 25-11, 27-25, 19-25, 25-20, ang Lady Eagles ay sasandal sa galing ni Alyssa Valdez bukod pa sa suporta nina Jhoanna Maraguinot, Amy Ahomiro at Bea De Leon para maigupo ang UST na aasa sa mga beteranang sina Pam Lastimosa, Carmela Tunay at Ennajie Laure.
Sisikapin naman ng Lady Tamaraws na mailabas ang porma ng isang nagdedepensang kampeon laban sa mas malalaking Lady Bulldogs.
Parehong tumapos ang dalawang koponan sa 5-2 baraha, tinalo ng NU ang FEU sa pagkikita sa elimination round, 25-23, 26-24, 25-19.
Pero malaki ang posibilidad na makabawi ang Lady Tamaraws ngayon dahil hindi makakasama ng Lady Bulldogs si 6’2” spiker Dindin Manabat na kasama ng Petron Lady Blaze Spikers na lalaro sa Asian Women Club Championship sa Vietnam.
Sina Jovelyn Gonzaga, Honey Royse Tubino, Bernadeth Pons at Remy Palma ang aasahan ng FEU laban kina Jaja Santiago, Myla Pablo, Jorelle Singh at Rubie de Leon.
- Latest