Malalaking premyo nakalatag sa mga darating na Stakes races
MANILA, Philippines – Naglalakihang stakes races ang paglalabanan sa pagpasok ng huling quarter sa taong 2015.
Kahapon ay pinaglabanan na ang P1.2 milyon Lakambini Stakes race na isa sa dalawang pakarera ng Philippine Racing Commission (Philracom) na gagawin sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa Setyembre 27 ilalarga naman ang ikalawang yugto ng Juvenile Fillies/Colts Stakes na sinahugan ng P1 milyon gantimpala at paglalabanan sa 1,200m distansya.
Ang huling dalawang yugto ng Juvenile championships ay gagawin sa Oktubre at Nobyembre at paghihiwalayin na ang kategorya sa fillies at colts.
Sa Oktubre 24 ang karera para sa mga fillies at kinabukasan ang aksyon sa mga colts na gagawin sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Sa mas mahabang 1,400m ang bakbakan at tig-P1 milyon ang kabuuang premyo.
Sa Oktubre 18 sa Santa Ana Park ay lalarga ang Sampaguita Stake race para sa apat na taong gulang at pataas na fillies at mares. Sa 1,800m ang karera at P1.5 ang isinamang kabuuang premyo ng karera.
Ang isa sa pinakamalaking pakarera taun-taon na Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup ay paglalabanan sa Nobyembre 8 sa Santa Ana at tatapatan ito ng mga local at imported horses na may edad apat na taon pataas.
Nasa P2 milyon ang premyo ng karerang inilagay sa 2,000m.
Lalarga rin ang P1 million Grand Sprint Championship sa Metro Turf sa distansyang 1,200m sa Nobyembre 15, habang ang Nobyembre 21 at 22 sa San Lazaro Leisure Park paglalabanan ang 4th leg ng Juvenile Fillies at Colts sa 1,500m.
Ang prestihiyosong PCSO Presidential Gold Cup ay nakakalendaryo sa Disyembre kasabay din ng Juvenile Championships, Philracom Chairman’s Cup at ang Grand Derby.
Itatakbo rin sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ang mga pakarera ng mga MARHO, Klub Don Juan at Philtobo na mga kinaaabangang karera dahil sa naglalakihan premyo sa iba’t ibang kategorya ng mga kabayo. (AT)
- Latest