TAIPEI – Gamit ang kanilang mas malalim na eksperyensa, madaling pinatumba ng Gilas Pilipinas ang bagitong Chinese Taipei B, 96-67, para pitasin ang second place sa pagtatapos ng 2015 Jones Cup kahapon dito sa Xinchuang Gymnasium.
Nag-init ang mga kamay ni Gary David para tumapos na may game-high na 22 points, tampok dito ang dalawang three-pointers, habang nagdagdag sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Moala Tautuaa ng 15, 12 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ng Nationals ang torneo sa kanilang 6-2 baraha sa ilalim ng 7-1 marka ng nagkampeong Iranians.
Ang mga pinadapa ng Gilas Pilipinas ay ang Chinese Taipei A (77-69), Spartak-Primorye ng Russia (85-71), Japan (75-60), Wellington Saints ng New Zealand (92-88) at USA Select-Overtake (78-74).
Ang dalawa nilang kabiguan ay mula sa South Korea (70-82) at Iran (65-74).
Sinabi ni coach Tab Baldwin na kuntento siya sa kanilang naging kampanya sa torneo bilang preparasyon sa mas mabigat na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3.
“With all the circumstances, I’m pleased with the second-place finish. It’s respectable,” wika ni Baldwin. “It’s not really want you want, but we take the most of it. And there are many positives."
Itinala ng Nationals ang 50-32 sa halftime bago ibaon ang Taipei B sa ipinosteng 30-point lead, 82-52, sa pagwawakas ng third period.
Inaasahang makakasama ng Nationals si naturalized player Andray Blatche, hindi nakalaro sa Jones Cup dahil sa pagkakasakit ng kanyang ina sa United States, sa kanilang unang ensayo sa Manila sa Miyerkules.
Tatlong practice days ang gagawin ng Gilas Pilipinas bago sumabak sa MVP Cup na siya nilang magiging pinakahuling tune-up meet.
Ito ay nakatakda sa Setyembre 11-13 sa Smart Araneta Coliseum.
GILAS PILIPINAS 96 – David 22, Castro 15, Tautuaa 12, De Ocampo 10, Abueva 8, Intal 7, Ramos 7, Thoss 6, Rosario 6, Ganuelas-Rosser 3, Norwood 0, Taulava 0.
Chinese Taipei B 67 – Chien 18, Hsiao 14, Lin 9, Lee 9, Huang 8, Lee 3, Liu2, Lin CW 2, Chen 2, Chou 0, Cheng 0, Chien 0.
Quarterscores: 24-21; 50-32; 82-52; 96-67.