Laro Ngayon (MOA Arena, Pasay City)
12 n.n. – La Salle vs NU
4 p.m. – FEU vs Ateneo
MANILA, Philippines – Tinapos ng UP Maroons ang apat na taon na hindi nananalo sa kanilang unang laro sa UAAP nang kunin ang 62-55 tagumpay sa UE Red Warriors sa pagsisimula ng 78th season kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ikalawang laro, tinalo naman ng UST Tigers ang Adamson Falcons, 70-64.
Si Christopher Vito ay may 11 puntos at siya ang susi sa makasaysayang panalo nang maipasok ng kaliweteng player ang tatlong sunod na three-pointers sa 11-2 palitan upang ang 45-41 kalamangan ay lumobo sa 56-43.
Napababa uli ng Warriors ang kalamangan sa apat, 55-59, sa buslo ni Chris Javier may 20.8 segundo, ngunit sina Dave Moralde at Jerson Prado ay nagsanib sa tatlong free throws sa sumunod na tagpo para makita ng mga panatiko ng Maroons na nasa itaas ng standings ang kanilang koponan.
Sa Season 74 huling nanalo sa opening game ang host UP at kinuha rin nila ito laban sa UE, 69-61, noong Hulyo 14, 2011.
“Napakasarap ng feeling para sa akin at sa mga bata na nanalo kami sa aming first game.Masisipag ang mga players sa practice at ang kanilang sakripisyo ay nagkaroon ng bunga,” wika ni rookie coach Rensy Bajar.
Hindi rin nagulat si Bajar sa tibay na ipinakita ng mga alipores dahil sa nakuhang magandang karanasan sa mga pre-season tournament kung saan nabuo umano ang kanilang ‘never-say-die’ attitude.
Ang Maroons ang nagdikta sa laro at sa kaagahan ng ikalawang yugto ay lumayo sila sa 22-9 pero nakabalik pa ang Warriors para maging mainitan ang laro.
Si Edson Batiller ay may 17 puntos.