MANILA, Philippines - Kung may koponan na maituturing bilang dark horse sa 78th UAAP men’s basketball, ito ay ang UST Tigers.
May 11 manlalaro ang babalik sa taong ito sa pangu-nguna ng mga graduating players na sina Karim Abdul, Eduardo Daquioag at Kevin Ferrer.
“Competitive ang team ngayon,” wika agad ng second year coach na si Segundo dela Cruz.
Hindi naging maganda ang unang taon sa bench ng nasabing mentor dahil may 5-9 karta lamang ang Tigers para makitang naputol ang magkasunod na taon na nasa Final Four sila.
Pero makinang na laro ang inaasahan ni Dela Cruz hindi lamang dahil batak na sa laban ang kanyang mga alipores kungdi mahaba-haba ang naging preparasyon nila para sa season.
“Naayos namin ngayon ang dapat naming ayusin dahil long preparation kami. This year we are also healthy,” dagdag ni Dela Cruz.
Walang duda na sina Abdul, Ferrer at Daquioag ang mga sasandalan para bitbitin ang koponan at nakikita ni Dela Cruz na handang harapin ng tatlo ang nasabing responsibilidad.
“Sa practice ay makikita mo sa kanila ang determination at puso na gusto nila na mas magiging maganda ang showing this year. With the veterans at mga rookies na nagge-jell na, I think we will do better this year,” sabi pa ni Dela Cruz.
Mula naman sa magandang puwesto sa huling dalawang taon, hindi naman magiging kagulat-gulat kung bumaba sa standings ang UE Red Warriors.
Siyam ang kanilang baguhan at lima rito ay mga freshman at maglalaro rin ang Warriors ng All-Filipino sa taon.
“Hindi ko masasabi ang expectations sa standing ng team dahil bata ang team ngayon, parang high school team,” wika ni head coach Derick Pumaren.
Sina Chris Javier at Paul Varilla ang inaasahang magdadala ng laban sa UE pero mahalaga ang ipakikitang laro ng mga baguhan para magkaroon pa rin ng winning record ang koponan.
“We’re doing well in our practice and I expect we will compete every game. We will just surprise the other teams,” pahayag pa ni Pumaren na noong nakaraang taon ay nagkaroon ng 9-5 baraha.