Ladon may pag-asa sa Rio Olympics

BANGKOK – Dalawa ang nasapul ni light-flyweight Rogen Ladon sa kanyang tagumpay laban kay second seed Murodjon Rasulov ng Tajikistan sa ASBC Asian Boxing Championships dito.

Umusad si Ladon sa semis ng 33-nation event matapos ang 3-0 panalo at nakasiguro din siya ng  slot sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oct. 5-15.

Pagdating ng 21-gulang na tubong Bago City sa Doha, puntirya naman niya ang makapasok sa 2016 Rio Olympics.

“Masaya ako makakapunta ako sa World Championships. Parang Olympics din ‘yun kasi buong mundo,” sabi ni Ladon na kahanga-hanga ang kanyang unang dalawang panalo.

Nangako si Ladon na lalo siyang magsisikap  anuman ang mangyari sa mga susunod na araw dito at gagawin niya ang lahat para makasama si 2016 Olympics.

“Magpupursigi ako sa training,” sabi ni Ladon na haharap kay Mongolian Gan-Erdene Gankhuyag sa semis sa Biyernes matapos ang rest day ngayon.

Nabigong umusad si flyweight Ian Clark Bautista matapos ang 3-0 pagkatalo kay reigning Asian Championships champion Azat Usenaliev ng Kyrgyzstan kahapon.

Gayunpaman, may pag-asa pa si Bautista dahil anim na boxers sa kanyang weight class ang papasok sa Doha.

Ang isa pang Pinoy boxer na nasa quarterfinals na si welterweight Eumir Felix Marcial ay may laban kagabi kontra kay  Saylom Ardee ng Thailand.

Kung mananalo si Marcial, makakasama din siya sa World Championships at dalawang Pinoy na ang nasa semis.

Show comments