Bautista, Ladon at Marcial lumakas ang tsansa sa semifinals ng ASBC
BANGKOK – Tiniyak ni flyweight Ian Clark Bautista na mapipitas niya ang isang tiket sa quarterfinal round.
Ito ay matapos niyang dominahin si Trong Thai Bui ng Vietnam, 3-0, sa Asian Boxing Championships (ASBC) dito sa Thammasat University Gymnasium.
Pinaboran ng tatlong judges mula sa Latvia, Kazakhstan at Korea ang 20-anyos na si Bautista, ang gold medalist sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Bukod kay Bautista, nakapasok din sa quarterfinals ang mga kababayang sina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial.
Tinalo ni Ladon si Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan, habang binigo ni Marcial si No. 2 seed Israil Madrinov ng Uzbekistan.
“The boys were unlucky to run into some top seeds early but we are keeping the faith,” sabi ni Association of Boxing Alliances in the Philippines president Ricky Vargas.
Ang nasabing mga panalo nina Bautista, Ladon at Marcial ang nagpalakas sa pag-asa ng Pilipinas na makakuha ng puwesto sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oct. 5-15 na tumatayong qualifying tournament para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Haharapin ni Ladon si second seed Murdjon Rasulov ng Tajikistan, beterano ng Asian Games sa Incheon noong 2014, habang sasagupain ni Marcial si local boy Saylom Ardee na dalawang beses natalo kay Suarez sa 60kg ngunit ngayon ay kumakampanya sa 69kg.
Makakatapat naman ni Bautista ang mananalo sa pagitan nina Elegedara Bulugaha ng Sri Lanka at Azat Usenaliev ng Kyrgyzstan.
Tanging ang top six boxers sa bawat weight classes nina Ladon, Bautista at Marcial ang makakalahok sa Doha meet.
Nauna nang napatalsik sina bantamweight Mario Fernandez at lightweight Charly Suarez sa kanilang mga nakaharap na Kazakhstan fighters.
- Latest