Mayweather hindi pa maka-move on sa ‘boring’ na laban niya kay Pacquiao

Patuloy na sinisisi ang Fighting Congressman 

MANILA, Philippines - Hanggang ngayon ay ipinagtatanggol pa rin ni Floyd Mayweather, Jr. ang kanyang sarili hinggil sa naging resulta ng kanilang laban ni Manny Pacquiao noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Sinabi ni Mayweather sa panayam ng Showtime na si Pacquiao ang dapat sisihin ng mga bo­xing fans kaugnay sa sinasabi nilang ‘nakakaantok’ na laban ng dalawa.

“The fans have to be mad at Pacquiao. They can’t be mad at me. I’ve done my job,” sabi ng Ame­rican world five-division king.

Kilala si Mayweather sa kanyang depensa at es­tratehiya kahit ito ay itinuturing na ‘boring’ ng mga boxing fans.

Sa kanyang laban kay Pacquiao ay muli niya itong ginamit para kontrolin ang pagsugod ng Filipino world eight-division cham­pion.

Para sa kanya, isa itong sining sa boxing.

“I never said I was a checkers player. I’m a chess player. I play chess. Every move is calcula­ted,” wika ni Mayweather. “But the fans should’ve thought about that when I was running through every­body at one particular time.”

Tinalo ni Mayweather, Jr. (48-0-0, 26 KOs) si Pac­quiao (57-6-2, 38 KOs) via unanimous decision.

Sa nasabing laban ay nagkaroon si Pacquiao ng right shoulder injury sa fourth round na naging dahilan kaya hindi niya mapabagsak si Mayweather.

Matapos ang limang araw ay sumailalim sa surgery ang 36-anyos na si Pacquiao at inaasahang mag­babalik sa aksyon sa susunod na taon.

Kabilang sa mga pangalan na binanggit nina Bob Arum ng Top Rank Promotions at chief trai­ner Freddie Roach na maaaring labanan ni Pacquiao ay sina Danny Garcia (31-0-0, 18 KOs), Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) at WBO lightweight wel­terweight king Terence Crawford (26-0-0, 18 KOs).

Kung si Roach ang tatanungin ay mas gusto niyang ilaban si Pacquiao sa 27-anyos na si Garcia na sinabi niyang hindi umuurong sa suntukan.

Ilang beses namang napabagsak ni Pacquiao ang 28-anyos na si Khan sa kanilang mga nakaraang sparring sa ilalim ni Roach.

Itataya naman ni Mayweather ang kanyang mga hawak na WBA at WBC welterweight belts la­ban kay Andre Berto (30-3-0, 23 KOs) sa Setyem­bre 12 sa MGM Grand.

Sinabi ni Mayweather na ito ang kanyang magi­ging pinakahuling laban bago magretiro.

Ngunit marami ang nagsasabing pilit na lalampasan ni Mayweather ang record na 49-0-0 record ni boxing legend Rocky Marciano.

 

Show comments