Kailangang mamili ni Pacquiao

MANILA, Philippines - Si Manny Pacquiao ang mamimili ng kanyang susunod na kalaban sa pagitan nina Amir Khan at Danny Garcia.

Hindi manggagaling ang desisyon kay trainer Freddie Roach at maging kay promoter Bob Arum.

Sinabi ng Top Rank chief sa panayam ng Sky Sports na si Pacquiao, nagpapagaling ng kanyang right shoulder injury, ang gagawa ng sarili niyang desisyon.

“This takes time,” sabi ni Arum.

Sa mga naunang reports ay sinabi ni Arum na sinimulan na niya ang pakikipag-usap sa kampo ni Khan, ang British fighter na may dugong Pakis-tani, para labanan si Pacquiao sa susunod na taon.

Binanggit din ni Arum ang pangalan ni American Terence Crawford bilang isang potential opponent.

Mas gusto naman ni Roach na itapat kay Pacquiao, natalo kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 2, si Garcia.

Sa naturang kabiguan kay Mayweather ay nasaktan ang kanang balikat ni Pacquiao na nagresulta sa pagkakaroon ng punit sa kanyang rotator cuff. Sinabihan si Pacquiao na huwag munang lumaban.

“I will present everything to Manny and we’ll see what happens,” wika ni Arum kay Pacquiao.

Sinabi pa ni Arum na walang inuurungang laban si Pacquiao.

Ang 28-anyos na si Khan ay may 31-3 (19 knockouts) record. Ang 27-anyos na si Garcia ay may bitbit na 31-0 (18 knockouts), habang ang 27-anyos na si Crawford ay nagdadala ng 26-0-0 (18 knockouts) card.

Sa tatlo ay mas pinapaboran si Khan dahil mas madaling ibenta ang laban nila ni Pacquiao.

 

Show comments