NU, FEU lumapit sa semis

MANILA, Philippines – Lumapit sa isang panalo ang National University Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws para maokupahan ang upuan sa semifinals nang nagsipanalo sa isinagawang Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Walang naging anumang problema ang Lady Bulldogs sa St. Benilde Lady Blazers na kanilang dinispatsa sa straight sets, 25-19, 25-21, 25-18 habang sa mas madaling 25-7, 25-11, 25-15 tagumpay ang naiposte ng nagdedepensang kampeon Lady Tamaraws laban sa La Salle-Dasmarinas Lady Patriots.

Parehong naiangat ng NU at FEU ang  karta sa 4-1 para samahan uli ang nakapahingang UST Tigresses sa ikalawang puwesto.

Kailangan na lamang ng tatlong magkakasosyo sa puwesto na manalo ng isa sa huling dalawang laro o di kaya ay matalo ang Arellano Lady Chiefs ng isa sa huling dalawang asignatura para makumpleto na ang mga maglalaro sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.

Ikalimang sunod na pagkatalo ang tinamo ng Lady Blazers habang 1-4 ang baraha ng Lady Patriots upang samahan ang UP Lady Maroons na namaalam na.

Nanalasa uli sina Dindin Manabat, Jaja Santiago at Myla Pablo para sa Lady Bulldogs nang magtala ng 13, 11 at 11 puntos.

Binugbog ng NU ang St. Benilde sa attack points, 38-24 at sa blocks, 6-1, at sina Pablo at Manabat ay nagsanib ng 17 kills at apat na blocks.

Mas malupit ang Lady Tamaraws dahil lahat ng aspeto ng laro ay dominado nila, tampok dito ang 13-0 sa serve.

Sina Toni Rose Basas at Heather Ann Guino-o ay may tig-10 puntos at si Basas ay may 9 kills habang si Guino-o ay may 4 aces. (AT)

Show comments