MANILA, Philippines - Nasa bansa ngayon si Fil-Am trackster Eric Shauwn Cray, ang tanging Pinoy qualifier para sa 2016 Rio de Janeiro Olympic Games, para makausap ang mga sports officials at potential sponsors ukol sa gagawin niyang training program.
Sinabi ni Philippine Amateur Track and Field Association president Philip Ella Juico na mananatili ang 26-anyos na si Cray ng isang linggo bago sumabak sa 15th IAAF World Championships sa Agosto 22-30 sa Beijing, China.
Makikipag-usap sa ilang potential contributors ang 400-m hurdles specialist na si Cray para sa gagawin niyang preparasyon sa paglahok sa 2016 Rio Olympics.
Maaari ring makakuha ng suporta ang iba pang naghahangad ng Olympic ticket na sina marathoner Mary Joy Tabal, pole vaulter EJ Obiena at runners Mervin Guarte at Edgardo Alejan, Jr. sa ilalim ng “Project Olympic Dream” program ng PATAFA.
Ayon sa PATAFA, mangangailangan si Cray ng P300,000 kada buwan para paghandaan ang 2016 Rio Olympiad.
Kasama ni Cray, ang ninuno ay taga-Olongapo, ang kanyang personal coach na si Damien Clark na irerekomenda ng PATAFA sa national coaching staff.
Si Cray ang 2015 SEA Games double gold medalist at record-breaker sa 400-m hurdles.