MANILA, Philippines - Puwestuhan sa itaas at ibaba ng standings ang mangyayari sa pagpapatuloy ng Spikers’ Turf Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Upuan sa quarterfinals sa Group B ang paglalabanan ng magkapatid na paaralan na La Salle Green Archers at St. Benilde Bla-zers sa unang laro sa ganap na alauna ng hapon habang ang nangunguna sa Group A na Emilio Aguinaldo College Generals ay aasin-ta ng ikaapat na sunod na panalo kontra sa palabang NCBA Wildcats dakong alas-3 ng hapon.
Ang huling laro dakong alas-5 ng hapon ay sa hanay ng Mapua Cardinals at UE Red Warriors at ang mananalo ay may tsansa pang umabante sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Parehong wala pang panalo ang Cardinals at Warriors matapos ang tatlong laro kaya ang mata-talo ay mamemeligro na mamaalam sa liga.
Magkasalo sa unahan ang Generals at National University Bulldogs bitbit ang 3-0 karta at bagama’t pasok na sa quarterfinals ay tiyak na pupukpok pa ang EAC dahil carry-over ang mga records sa pagpasok ng ikalawang yugto ng kompetisyon.
Ang Wildcats na nakitang natapos ang dalawang dikit na panalo sa kamay ng NU sa huling asignatura ay pursigido ring magwagi para maging ikatlong koponan sa Group A na magpapatuloy ang kampanya para sa titulo.
Magkasalo ang La Salle at St. Benilde sa UP sa 2-1 baraha upang matiyak na magiging mainitan ang tagisang ito.
Matapos matalo sa karibal na Ateneo, kumuha ang Archers ng magkasunod na panalo sa Arellano Chiefs at La Salle Dasma Patriots.