MANILA, Philippines – Pinagsama-sama ang mga mahuhusay na collegiate players at de-kalibreng beterana sa national pool na siyang pagmumulan ng mga koponang maglalaro sa dalawang malalaking kompetisyon.
Kabuuang 17 manlalaro ang pinangalanan ni Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) president Jose Romasanta matapos makipag-ugnayan kamakailan sa coaching staff sa pangunguna ni head coach Roger Gorayeb.
Ang mga napili mula sa collegiate leagues ay sina Alyssa Valdez, Bea de Leon at Julia Morado ng UAAP champion team Ateneo, Kim Fajardo ng La Salle, Marivic Meneses at EJ Laure ng UST, Jaja Santiago at Myla Pablo ng National University, Gretchel Soltones at Alyssa Eroa ng San Sebastian, Christine Agno ng FEU at Christine Rosario ng NCAA champion Arellano.
Isinama pa ang 6-foot-2 spiker at nakatatandang kapatid ni Jaja na si Dindin Santiago-Manabat at sina Aiza Maizo-Pontillas, Jovelyn Gonzaga, Aby Maraño at Rhea Dimaculangan.
Sa pool na ito magmumula ang ilalabang koponan sa Asian Women U-23 Championship sa Pilipinas mula Mayo 1 hanggang 9 at sa Singapore SEA Games mula Hunyo 5 hanggang 16.
Makakasama ni Gorayeb bilang assistant si coach Sinfronio Acaylar bukod pa kay Ateneo champion coach Tai Bundit bilang trainer.
Idinagdag pa ni Romasanta na puwede pang palawigin ang bilang ng pool kung may iba pang masisilip na manlalaro ang coaching staff.
Sa Ateneo Blue Eagle gym gagawin ang pagsasanay na magsisimula sa Abril dahil aayusin pa ang mga iskedul ng mga players.
May plano ring ipadala ang koponan sa Japan para paigtingin ang preparasyon sa dalawang malalaking kompetisyon.