MANILA, Philippines - Nakita na ang tamang manlalaro para makabuo ng solidong koponan na ilalahok ng Pilipinas sa malalaking kompetisyon sa tennis sa kalalakihan.
Ito ang sinabi ni Roland Kraut matapos saksihan ang dominanteng paglalaro na ipinakita ng Davis Cuppers laban sa Sri Lanka sa 2015 Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II tie na ginawa sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.
Kahapon opisyal na nagtapos ang tagisan sa mga reversed singles pero nagwagi na ang Pilipinas nang ipanalo ang naunang tatlong laro noong Biyernes at Sabado.
Sina Patrick John Tierro at Fil-Am Ruben Gonzales ang naghatid ng mga panalo sa opening singles kontra kina Harshana Godamanna at Sharmal Dissanayake bago tinapos ang tagisan sa best-of-five series nina Fil-Am Treat Huey at nagbabalik na si Francis Casey Alcantara sa paggapi kina Dissanayake at Dineshkanthan Thangarajah sa doubles.
“This is a solid team,” ani Kraut na non-playing team captain ng koponan.
Tinuran niya na hindi na masusunog ang mga Fil-Ams dahil may mahuhusay na local players na kayang tapatan ang kanilang ipinakikita tulad ni Alcantara na puwedeng makipagtambalan kay Huey sa doubles.
Ang panalo ay nagtulak sa Pilipinas sa semifinals kalaban ang top seed sa grupo na Chinese Taipei na gagawin sa June 17-19.