MANILA, Philippines - Dalawang matatangkad na sparmates ang kinuha ni trainer Freddie Roach para tulungan ang paghahanda ni Manny Pacquiao sa mega-fight nila ni Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2.
Ang mga ito ay sina Kenneth Sims Jr. at Rashidi Ellis na parehong 21-anyos at hindi pa natatalo sa lightweight at welterweight divisions bukod sa may taas na 5’10” at 5’9”, ayon sa pagkakasunod.
Kailangang matatangkad ang mga makakasagupa ni Pacquiao dahil si Mayweather ay mas mataas at mas mahaba ang mga galamay.
Ang pound-for-pound king ay may 5’8” ang taas at 72 inch ang reach laban sa 5’6” ½ at 67 reach ni Pacquiao.
“They will arrive on March 8. I’m very impressed with their talent. I know they’re young guys but they’re good. They have that Mayweather look a little bit,” wika ni Roach sa ESPN.
May apat na iba pang sparmates ang dadalhin ni Roach habang umiinit ang paghahanda ni Pacman.
Sa Marso 2 inaasahang nasa Wild Card Gym sa US na si Pacquiao pero hindi niya agad makakasama si Roach dahil tutulak ito patungong Macau, China para tulungan ang Olympian Chinese boxer Zou Shiming na magtatangka sa kanyang kauna-unahang world title flyweight laban kay IBF champion Amnat Ruenroeng ng Thailand sa Marso 7.
“The thing is, Manny is that type of guy. He cares about other people. He knows Shiming has a better chance to win if I’m there with him,” tila pagmamalaki pa ni Roach sa Kongresista ng Sarangani Province.
Sina Filipino trainer Marvin Somodio at strength and conditioning coach Justin Fortune muna ang mangangasiwa sa unang linggo ng pagsasanay ni Pacquiao. (AT)