Mag-uunahan ang NU at FEU makasulong sa stepladder semifinals
MANILA, Philippines - Magpapagalingan ang National University Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws sa pormal na pagbubukas ng 77th UAAP women’s volleyball stepladder semifinals ngayon sa SMART Araneta Coliseum.
Ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon magsisi-mula ang bakbakan at ang mananalo ang siyang aabante sa ikalawang yugto ng stepladder semis para harapin ang pumangalawa sa elimination round at may twice-to-beat advantage na La Salle Lady Archers.
Bago ito ay magtutuos sa huling pagkakataon ang nagdedepensang kampeon NU Bulldogs at UST Tigers sa ikaw-o-ako na tagisan sa men’s division sa ganap na ika-2 ng hapon.
Ang mananalo rito ang siyang aabante para harapin ang Ateneo Eagles na nasa Finals na nang kalusin ang Adamson Falcons sa pagsisimula ng Final Four noong Miyerkules.
Tumapos ang Lady Bulldogs sa ikatlong puwesto sa 8-6 karta at nilakipan nila ito ng tatlong sunod na panalo para magkaroon ng momentum sa playoffs.
Galing sa 10-araw na pahinga ang tropa ni coach Roger Gorayeb pero kumpiyansa siya na walang masamang epekto ito dahil pataas nang pataas ang laro ng kanyang mga inaasahan sa pangunguna ni 6’4” spiker Jaja Santiago.
“Pinakamagandang laro na nakita ko ito sa kanila (kontra sa UP). Mahalaga ang panalong ito dahil kaila-ngang magkaroon ng kumpiyansa ang mga players sa semis,” wika ni Gorayeb.
Sa kabilang banda, ang FEU ay kondisyon na kondisyon na haharap sa larong ito lalo pa’t ito na ang kanilang ikaapat na sudden-death.
Para makapasok sa semifinals sa unang pagkakataon sa huling tatlong taon ng liga, kinailangan ng Lady Tamaraws na patumbahin ang UP Lady Maroons at Adamson Lady Falcons upang manatiling buhay ang paghahabol ng titulo.
Ang FEU ang siyang may pinakamaraming wo-men’s volleyball title sa 29 kampeonato pero ang hu-ling titulo ay nakuha noon pang 2007.
Ang mga beteranang sina Bernadette Pons, Geneveve Casugud, Remy Palma at Yna Louise Papa ang sasandalan sa FEU habang sina Myla Pablo, Rizza Jane Mandapat at Jorelle Singh ang makakatuwang ni Santiago para sa NU.
Naging stepladder ang semifinals dahil winalis ng nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles ang double-round elimination para magkaroon din ng mahalagang thrice-to-beat advantage sa championship round. (AT)
- Latest