Westbrook iginiya ang West sa panalo sa All-Star Game
NEW YORK – Pinaghalong Broadway at basketball game, ang 2015 NBA All-Star Game ay naging isang West Side Story.
Umiskor si Russell Westbrook ng 41 points - isang puntos lamang ang kulang para pantayan ang 53-year-old record ni Wilt Chamberlain - para kilalanin bilang Most Valuable Player matapos igiya ang West sa 163-158 panalo kontra sa East sa NBA All-Star Game dito sa Madison Square Garden.
Nagposte ang point guard ng Oklahoma City ng record sa kanyang 27 first-half points at halos pantayan ang ginawa ni Chamberlain noong 1962.
Sinabi ni Westbrook na hindi niya alam na muntik na niyang maduplika ang record na 42 points ni Chamberlain kundi lamang sa ilan niyang mintis na layups.
Kabilang sa mga pinabilib ni Westbrook sa kanyang laro ay sina dating US President Bill Clinton, Jay-Z, Beyonce at ilang all-time greats ng NBA.
Si Westbrook ang naging ikatlong player na tumikada ng 40 points sa isang All-Star Game matapos sina Chamberlain at Michael Jordan, nagposte ng 42 noong 1962 at 40 markers noong 1988, ayon sa pagkakasunod.
Sa first half, tinulungan ni Westbrook ang West na makapagtayo ng 20-point lead na unti-unting napababa ng East.
Sa hawak na three-point lead ng West sa huling mga segundo ng laro ay nagsalpak si Westbrook ng dalawang free throws kung saan ang ikalawa ay sadya niyang gustong imintis ngunit pumasok.
Nagdagdag si James Harden ng 29 points, 8 rebounds at 8 assists para sa West na natablahan ng East sa 148-148 higit sa 4 minuto sa laro.
Umiskor si Cavaliers’ superstar LeBron James ng 30 points para sa East.
- Latest