MANILA, Philippines - Kailangang maayos agad ang problema sa liderato sa volleyball sa bansa para hindi maapektuhan ang pagsali sa malalaking kompetisyon ng women’s team.
Bukod sa SEA Games ay nakalinya rin ang bansa sa 18th Asian Women’s Volleyball Championship na gagawin sa China mula Mayo 20 hanggang 28.
Sa isinagawang draw ng mga kasaling koponan kamakalawa, ang Pilipinas ay nahanay sa Pool D kasama ang South Korea, Kazakhstan at Australia.
May 16 koponan ang maglalaban-laban sa kompetisyong gagawin sa Beijing at Tianjin at ang host China ay nasa Pool A kasama ang Iran, Fiji at India.
Ang nagdedepensang kampeon Thailand ay nasa Pool B kasama ng Chinese Taipei, Hong Kong at Sri Lanka habang ang pumangalawa sa 2013 edisyon na Japan ang nakagrupo ng Vietnam, Mongolia at Turkmenistan sa Pool C.
Nakasali ang Pilipinas noong 2013 na ginawa sa Nakhon Ratchasima,Thailand at hinawakan ito ni coach Nes Pamilar na pinangunahan nina Aiza Maizo-Pontillas, Michelle Datuin at Angela Benting na sinuportahan ng PLDT.
Tumapos sa ika-12 puwesto ang Pilipinas at tinalo ng koponan ang Myanmar at Sri Lanka.
Nalalagay sa alanganin ang estado ng volleyball sa ngayon dahil sa gulo sa liderato matapos magtatag ng bagong pederasyon si POC 1st Vice President Jose Romasanta na Larong Volleyball ng Pilipinas para ipalit sa Philippine Volleyball Federation (PVF).
Ngunit ipinag-utos ni POC president Jose Cojuangco Jr. na bitiwan ni Romasanta ang LVP at ibigay ito sa dating Philippine Amateur Volleyball Association head Victorico ‘Concoy’ Chavez.
Naunang nagsabi ang international federation FIVB na dapat ay magkaroon ng eleksyon ang LVP hanggang Pebrero 15 para tuluyang maibigay ang kailangang rekognisyon.
Kung hindi maisasakatuparan ito ay masususpindi ang Pilipinas bilang kasapi ng FIVB. (AT)