Ronda Pilipinas 2015 Felipe nagpamalas ng galing sa akyatan; Cayubit overall leader na ng Visayas leg
BACOLOD CITY, Philippines -- Ipinamalas ni Marcelo Felipe ng 7-Eleven ang kanyang mountain-climbing skills para pangunahan ang Stage Two, habang inangkin ng kanyang kakamping si Boots Ryan Cayubit ang overall lead sa Visayas qualifying leg ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC kahapon dito sa Negros Occidental capital.
Bumandera ang 25-anyos na si Felipe sa tatlong KOM laps sa nasabing 156.6-kilometer stage para sa kanyang unang stage victory sa bilis na 5 oras, 2 minuto at 12 segundo.
Inungusan niya sina Cayubit at 2014 Ronda champion Reimon Lapaza ng Butuan, nagsumite ng mga oras na 5:04.25 at 5:08.08, ayon sa pagkakasunod.
Dahil sa kanyang panalo, umangat si Felipe sa second overall mula sa pagiging 18th placer sa Dumaguete-Sipalay Stage One sa kanyang total time na 9:33.00 o tatlong minuto ang kalamangan kay Cayubit, naging No. 1 mula sa No. 5 sa kanyang aggregate clocking na 9:29.50.
“Masaya ako at nanalo ako ng stage sa unang pagkakataon dito sa Ronda Pilipinas,” ani Felipe, pumangatlo sa Tarlac stage noong 2012.
Solo si Felipe sa pagtawid ng finish line matapos kumawala sa grupo at lumayo ng halos siyam na minuto matapos umakyat sa bundok ng Don Salvador Benedicto.
Humabol naman si Cayubit at halos nakalapit kay Felipe.
Sapat na ito para makuha ni Cayubit ang pulang LBC jersey para sa third at final stage.
“Hindi ko inaasahan na mangunguna ako, pero masaya ako na nandito ako ngayon,” sabi ni Cayubit, nadiskubre sa Ronda race noong 2011 nang kumakapanya para sa Warren Davadilla-led Metro Manila team.
Ginamit naman ni Lapaza, kuwalipikado na sa championship round sa Feb 22-27 mula Paseo Greenfield hanggang Baguio City, ang torneo para igiya ang kanyang nakababatang kapatid na si Cesar.
Nahuli naman ng 25 minuto sa datingan si da-ting red jersey holder Jaybop Pagnanawon.
- Latest