MANILA, Philippines - Nagposte ang Alaska ng 13-point lead sa third period bago ito naputol ng NLEX sa isang puntos sa natitirang 46.1 segundo sa fourth quarter.
Naagaw sana ng Road Warriors ang panalo kundi lamang napatid si import Al Thornton sa kanyang salaksak bago tumunog ang final buzzer.
Inilusot ng Aces ang 96-95 panalo tampok ang 24 points ni import DJ Covington sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa San Juan Arena.
Wala nang nagawa si Thornton, isang NBA veteran, kundi ang titigan ang mga referees na hindi tumawag ng foul matapos siyang mapatid sa tangka niyang pagsasalba sa NLEX.
Nagdagdag si Vic Manuel ng 16 points para sa 1-1 baraha ng Alaska kasunod ang 14 ni Cyrus Baguio at 12 ni RJ Jazul.
Itinala ng Aces ang 69-56 kalamangan mula sa three-point shot ni Jazul sa 4:24 minuto ng third period.
Sa likod nina Thornton, Rudy Lingganay at Asi Taulava ay nakatabla ang Road Warriors sa 85-85 sa huling apat na minuto ng fourth quarter.
Naidikit ng NLEX ang laro sa 95-96 sa nalalabing 46.1 segundo buhat sa tirada ni Taulava kasunod ang tumalbog na three-point shot ni Dondon Hontiveros sa posesyon ng Alaska.
Nakuha ni Thornton ang rebound at tumawag ng timeout sa natitirang apat na segundo.
Kaagad na sumalaksak ang 6-foot-9 import na sinalubong nina Calvin Abueva at Ping Exciminiano at nagresulta sa kanyang pagkakapatid.
Subalit walang foul na nahugot si Thornton mula sa mga referee kasabay ng pagwawala sa loob ng hardcourt ni coach Boyet Fernandez.
Tumipa si Thornton ng 39 points.
ALASKA 96 - Covington 24, Manuel 16, Baguio 14, Jazul 12, Banchero 7, Abueva 6, Menk 6, Dela Cruz 5, Exciminiano 2, Hontiveros 2, Espinas 2, Eman 0, Dela Rosa 0, Vanlandingham 0.
NLEX 95 - Thornton 39, Canaleta 16, Ramos 9, Villanueva J. 8, Lingganay 6, Borboran 6, Taulava 5, Cardona 4, Hermida 2, Camson 0, Arboleda W. 0, Apinan 0, Arboleda H. 0, Baloria 0, Soyud 0.
Quarterscores: 22-16; 46-40; 75-73; 96-95.