MANILA, Philippines – Bubuksan ng Alaska, ang runner-up sa PBA Philippine Cup, at NLEX ang kani-kanilang kampanya laban sa dalawang bigating koponan.
Lalabanan ng Aces ang Purefoods Hotshots ngayong alas-7 ng gabi at makakatapat naman ng Road Warriors ang Rain or Shine Elasto Painters sa alas-4:15 ng hapon sa 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nagmula ang Alaska sa pagkatalo sa nagkampeong San Miguel sa nakalipas na PBA Philippine Cup.
“We expect Alaska to come out firing on all cylinders and we’re bracing for a tough, tough game,” wika ni Hotshots’ coach Tim Cone sa Aces.
Habang hinihintay ng Hotshots ang pagdating ni 6-foot-9 import Daniel Orton ay si 6’4 import Marqus Blakely ang kanila munang isasalang.
Humakot si Blakely, naghatid sa Purefoods sa titulo ng nakaraang PBA Governors’ Cup, ng 26 points at 7 shotblocks sa kanilang 83-70 panalo sa Globalport.
Itatapat naman ng Alaska si 6’9 reinforcement DJ Covington.
Sa unang laro ay itatampok ng NLEX si NBA veteran Al Thornton laban kay Rain or Shine import Rick Jackson.
Nanggaling ang Elasto Painters ni mentor Yeng Guiao mula sa 86-89 kabiguan sa Talk ‘N Text Tropang Texters.
Samantala, pinaplantsa naman ng San Miguel, Barangay Ginebra at Barako Bull ang isang three-player trade.
Dadalhin ng Beermen si Justin Chua sa Energy, habang ibibigay ng Gin Kings si Jay-R Reyes sa Beermen at lilipat si Dorian Peña sa Ginebra.