CLEVELAND -- Kumamada si guard Kyrie Irving ng career-high 55 points, habang nanood lamang si LeBron James mula sa bench sa 99-94 panalo ng Cleveland Ca-valiers laban sa Portland Trail Blazers.
Ito ang pang-walong sunod na ratsada ng Cavaliers.
Si Irving ang sinandigan ng Cleveland nang magkaroon si James ng sprained right wrist.
Isinalpak ni Irving ang isang 3-pointer sa natitirang 6.4 segundo para basagin ang 94-94 pagkakatabla.
Hinablot ni Irving ang rebound mula sa mintis na 3-pointer ni Portland guard Damian Lillard kasunod ang pagsigaw ng mga Cavaliers fans ng “M-V-P” kay Irving, habang nagsayaw naman si James malapit sa kanilang bench.
Isinalpak ni Irving ang dalawang free throws sa huling 2.1 segundo para selyuhan ang kanilang panalo.
Binasag ni Irving ang dating scoring record ni Allen Iverson sa Quicken Loans Arena.
Ang kanyang point total ang pinakamataas ngayong season na nagbasura sa 52 points ni Golden State Warriors guard Klay Thompson at ni Mo Williams ng Minnesota Timberwolves.
Naglista rin si Irving, tumipa ng 38 points laban sa Detroit Pistons noong Martes, ng team record na 11 three-pointers at tumapos na may 10-of-10 sa free-throw line.
Iniskor niya ang 24 ng huling 28 points ng Cleveland at ang 16 sa 20 points ng Cavs sa fourth quarter.