Tigresses diretso sa dalawang sunod

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang ma­gan­dang paglalaro ng UST Tigresses nang ku­nin ang ikalawang sunod na pa­nalo laban sa A­damson Lady Falcons, 25-19, 25-16, 23-25, 25-15, sa 77th UAAP wo­men’s volleyball kagabi sa The Are­na sa San Juan City.

Malakas na panimula ang nakita sa koponan na hindi rin natinag kahit natalo sa ikatlong set na kungsaan lumamang sila ng anim, para ilista ang kau­na-unahang winning streak.

Si Ennajie Laure ay may 19 puntos na sinangkapan  ng 16 kills, habang ang mga beteranang tulad nina Pamela Lastimosa, Ma­rivic Meneses at Car­me­la Tunay ay nagsanib sa 42 puntos.

Maganda uli ang tugon ni Tunay sa playing time na ibinigay sa kanya dahil may limang blocks pa siya bukod sa 10 digs.

Si Meneses ay may li­mang blocks para sa UST na umakyat sa 3-5 baraha at kasalo na ang Adamson sa ikaanim at pitong puwesto.

Bago ito ay tinalo ng FEU Lady Tamaraws ang UE Lady Warriors, 25-16, 25-17, 22-25, 25-18, para lumapit sa kalahating laro sa ikaapat na puwesto sa 4-5 baraha.

Makakasalo ang FEU sa mahalagang upuan  kung matatalo ang UP La­dy Maroons (4-4) sa La Salle Lady Archers nga­yong hapon.

Sina Bernadette Pons at Remy Palma ay may 14 at 11 hits para pangunahan ang koponan na tinapos ang two-game losing streak sa pagwalis sa dalawang laro laban sa UE.

Sa men’s division, ti­nalo naman ng FEU Ta­maraws ang UP Maroons, 5-21, 25-18, 18-25,22-25,15-10, habang nanalo rin ang La Salle Archers kontra sa UE Warriors, 25-15, 22-25, 25-20, 25-22. (ATan)

 

 

Show comments