Valdez, Sabido, Superal, Lascuna pararangalan sa Philippine Sportswriters Association Awards
MANILA, Philippines - Apat na indibidwal na nangibabaw sa kani-kanilang mga sports noong nakaraang taon ang tatanggap ng special award mula sa Philippine Sportswriters Association sa susunod na buwan sa Annual Awards Night na inihahandog ng Milo.
Muling hinirang si Alyssa Valdez ng Ateneo bilang Ms. Volleyball, si taekwondo jin Jean Pierre Sabido ang kikilalaning Mr. Taekwondo at sina Tony Lascuna at Princess Superal ang tatanggap ng Golfers of the Year trophy mula sa pinakamatandang media organization sa bansa sa formal rites na nakatakda sa Pebrero 16.
Ang apat ay bahagi ng halos 70 personalities at entities na magsasalo sa entablado sa annual formal affair na inihahandog din ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman Richie Garcia.
Iginiya ni Valdez, na-bigyan na ng Ms. Volleyball award noong 2013, ang Ateneo Lady Eagles sa kanilang kauna-unahang UAAP women’s volleyball championship matapos talunin ang karibal na De La Salle na may ‘thrice-to-beat’ advantage sa finals.
Dalawang gold medal naman ang kinuha ni Sabido mula sa men’s individual freestyle at team events ng ninth World Taekwondo Poomsae Championships sa Aguascalientes, Mexico.
Hinirang siyang MVP sa freestyle event ng torneo.
Pinitas din ni Sabido ang gold medal (indivi-dual freestyle) sa third Asian Taekwondo Poomsae Championship sa Tashkent, Uzbekistan.
Inangkin naman ni Lascuna ang ICTSI Phi-lippine golf Tour Order of Merit crown sa ikatlong sunod na taon matapos manguna sa annual event sa kanyang total earnings na P3,181,565.
Pinagreynahan ng 17- anyos na si Superal, ang top amateur golfer ng bansa, ang ilang torneo sa US at Southeast Asia at siya ay naging unang Philippine-born player na nagbulsa sa tropeo ng United States Golf Association event.
Nauna nang inilista ng PSA bilang bahagi ng honor roll sa event na itinataguyod ng PBA, Accel, Globalport at Rain or Shine bilang traditional backers sina Tim Cone (Excellence in Basketball) at ang 1973 Philippine men’s team (Lifetime Achievement Award).
- Latest