Galedo babandera sa Le Tour national riders

MANILA, Philippines - Isang bata ngunit matinding national team na babanderahan ni reigning champion at veteran Mark John Lexer Galedo ang babalikat sa kampanya ng bansa sa sixth edition ng Le Tour Filipinas na nakatakda sa Pebrero 1-4.

Ang 29-anyos na si Galedo ang pinakamatanda sa PhilCycling national team subalit subok na siya sa mga mabibigat na labanan.

Pinagharian niya ang Le Tour ilang buwan matapos angkinin ang gold medal sa individual road race ng 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar. Ang Filipino rider ay No. 67 ngayon sa International Cycling Union Asia Tour rankings.

Makakatuwang ni  Galedo para sa 2015 Le Tour, inihahandog ng Air21 kabalikat ang MVP Sports Foundation at Smart, si Romald Lomotos, ang pinakabata sa grupo sa edad na 20-an-yos at No. 267 sa kontinente, bukod pa kina George Oconer (No. 161), Incheon Asian Games veteran Ronald Oranza (No. 255) at Jun Rey Navarra.

“These young riders are the future of Philippine cycling,” sabi ni PhilCycling president Tagaytay City Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Idinagdag ni Tolentino na ang natu-rang mga siklista ay maaaring isabak sa 2015 Asian Cycling Championships na nakatakda sa Pebrero 10-14 sa Thailand.

Magbabalik naman ang 7-Eleven-Road Bike Philippines sa Le Tour, suportado ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon bilang major sponsors, na babanderahan ng ilang foreign riders.

Ang koponan ay kinabibilangan nina Filipino Cris Joven, Edgar Nohales Nie-to at Angel De Julian Vasquez ng Spain at Kenny Nijssen ng Netherlands.

Hindi pa pinapangalanan ang pang-lima nilang miyembro.

Kabuuang 12 continental teams at dalawang national squads ang sasabak sa Le Tour, ang brainchild ni Air21 at PhilCycling chairman Bert Lina at inorganisa ng Ube Media.

Show comments