Hagdang Bato pinakapatok na kabayo para sa taong 2014
MANILA, Philippines - Tulad ng inasahan, ang kabayong Hagdang Bato ang lumabas na may pinakamalaking kinita sa 2014 horse racing.
Sa talaan na galing sa Philippine Racing Commission (Philracom), ang premyadong kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ay nagkamal ng P8,030,191.77 matapos ang 10 panalo at isang segundo puwestong pagtatapos.
Naghatid ng P4 milyon ang Hagdang Bato sa kanyang connections nang pagharian ang Presidential Gold Cup noong Disyembre 21.
Ang strong finish ng Hagdang Bato ay inaasahang nagpalakas sa hangaring kilalanin bilang Horse Of The Year.
Ang dating nangunguna at 2014 Triple Crown champion na Kid Molave ang pumangalawa sa talaan bitbit ang P5,534,089.04 matapos magtala lamang ng apat na panalo.
Pumangatlo ang Pugad Lawin tangan ang P5,410,853.82 mula sa walong panalo at dalawang tersero at kuwarto puwestong pagtatapos.
Ang Malaya na may 11 panalo bukod sa dalawang segundo at isang tersero puwestong pagtatapos ay nalagay sa ikaapat na puwesto bitbit ang P4,792,518.79 habang ang Low Profile ang nasa ikalimang puwesto sa P3,491,836.92 mula sa walong panalo, tatlong segundo at isang tersero puwestong pagtatapos.
Ang iba pang kabayo na nasa unang sampung posisyon ay ang Hook Shot (8-3-1-0) na may P3,360,023.66, Valley Ridge (3-0-0-1) na may P3,072,541.62, King Bull (6-8-2-0) na may P2,907-819.33, Kanlaon (7-5-4-1) na may P2,879,776.28) at Kaiserslautern (5-4-1-0) na may P2,500,259.60.
Samantala, makikilatis ngayon ang kalidad ng Hagdang Bato sa pagtakbo sa special class division race na inilagay sa 1,600-metro distansya na gagawin sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Si Jonathan Hernandez ang sasakay uli sa Hagdang Bato na tatakbo kasama ang coupled entry na El Libertador.
Ang mga hahamon ay ang Señor Vito, Basic Instinct, Star Belle at Guel Mi at inaasahang magiging outstanding favorite sa karera. (AT)
- Latest