MANILA, Philippines – Maagang nagdiwang ang San Miguel matapos maiposte ang mala-king 21-point lead sa huling dalawang minuto ng third quarter.
At ito ang sinamantala ng Alaska para agawin ang 78-70 tagumpay sa Game Three at iposte ang 2-1 bentahe sa 2014-2015 PBA Philippine Cup Finals sa harap ng 13,725 fans kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagbida sina 6-foot-8 Sonny Thoss at guard Ping Exciminiano sa final canto para ibangon ang Aces sa kanilang nalasap na kabiguan sa Game Two noong nakaraang Miyerkules sa kanilang best-of-seven championship showdown ng Beermen.
Sinabi ni coach Alex Compton na ang kanilang matibay na depensa ang susi sa kanilang panalo.
“Lahat talaga ay nagsisimula sa depensa namin. Our defensive intensity in the fourth quarter was just overwhelming. It was incredible,” wika ni Compton.
Itinala ng San Miguel ang 12-point lead, 35-23, sa 1:22 minuto bago ang halftime patungo sa pagpoposte ng 21-point advantage, 61-40, sa huling 2:10 minuto sa third quarter.
Naghulog ang Alaska ng isang 20-1 bomba mula kina Thoss, Exciminiano, Calvin Abueva at Dondon Hontiveros para agawin ang kalamangan sa 66-65, may 4:57 minuto ng final canto.
Ang dalawang free throws ni June Mar Fajardo ang naglapit sa Beermen 70-74 agwat sa 1:51 minuto kasunod ang jumper ni Thoss at dalawang free throws ni JVee Casio para muling ilayo ang Aces sa huling 26.5 segundo.
“We play hard in practice everyday. Our guys play hard. They just draw from that and they never give up,” sabi ni Compton, nakahugot ng 16 points kay Abueva, 11 kay Casio, 10 kay Casio at tig-8 kina Exciminianio at Hontiveros.
Pinamunuan naman ni Arwind Santos, nabagsakan ng kamay ni Abueva sa first period na nagresulta sa sugat nito sa kanang kilay, ang San Miguel sa kanyang 20 markers, habang may 13 si Fajardo.
Alaska 78 - Abueva 16, Casio 11, Thoss 10, Exciminiano 8, Hontiveros 8, Baguio 7, Jazul 7, Manuel 6, Eman 3, Banchero 2, Dela Cruz 0, Menk 0, Dela Rosa 0, Espinas 0.
San Miguel 70 - Santos 20, Fajardo 13, Cabagnot 7, Lassiter 7, Ross 6, Semerad 4, Lutz 3, Fortuna 3, Tubid 3, Kramer 2, Omolon 2, Maierhofer 0, Pascual 0, Chua 0.
Quarterscores: 13-8; 27-35; 46-64; 78-70.