MANILA, Philippines - Makikita ang epekto sa paghugot sa beteranong coach na si Roger Gorayeb ng National University Lady Bulldogs sa pagharap sa minamalas ding UST Tigresses sa pagpapatuloy ngayon ng 77th UAAP women’s volleyball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Gorayeb ay kinuha bilang kapalit ni Ariel dela Cruz na nagtala lamang ng dalawang panalo sa limang asignatura.
Ang malawak na karanasan ni Gorayeb ang siyang sinasandalan ng Lady Bulldogs para maibangon ang koponan mula sa ikalimang puwesto.
“Wala pa akong masabi sa team dahil unang game pa lamang namin ito,” wika ni Gorayeb na siya ring mentor ng San Sebastian Lady Stags sa NCAA at hahawak sa national under-23 team.
Ang Lady Stags ay may laro sa kanilang liga ngunit tiwala si Gorayeb na makakaabot sa laban ng NU.
Mangunguna sa NU si 6’4” Jaja Santiago na dapat lumabas ang galing para maisantabi ang tiyak na malakas na hamon ng Lady Tigresses na may isang panalo lamang sa limang laro kahit binubuo ng mga beterana at pinala-kas na pagpasok ni Ennajie Laure.
Ikaapat na sunod na panalo ang balak hagipin ng Adamson Lady Falcons kontra sa UP Lady Maroons sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Sina Mylene Paat, Amanda Villanueva at Jessica Galanza ang mga magtutulung-tulong para igiya ang Lady Falcons kontra sa Lady Maroons na muntik nang masilat ang nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles kungdi lamang kinapos sa fifth set sa huling asignatura. (AT)