MANILA, Philippines - Matapos kilalanin bilang Fighter of the Year noong 2012, naging pabagu-bago na ang resulta ng mga laban ni world four-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. noong 2014.
Noong Mayo 31 ay nilabanan ni Donaire si Simpiwe Vetyeka ng South Africa para sa World Boxing Association (Super) featherweight title sa The Venetian sa Macau, China.
Ito ang unang laban ng tubong Talibon, Bohol matapos matalo kay Guillermo Rigondeaux ng Cuba noong Abril 13, 2013 para sa WBA Super at WBO super bantamweight belts at manalo kay Vic Darchinyan ng Armenia sa isang non-title fight para sa rematch ng kanilang 2007 bout.
Ito rin ang unang pagkakataon na lumaban si Donaire sa featherweight division makaraang magkampeon sa flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight class.
Laban kay Vetyeka, pinabagsak ni Donaire ang South African sa fourth round sa pamamagitan ng kanyang bantog na left hook.
Itinigil ang laban bago ang pagtunog ng bell para sa fifth round dahil sa malaking putok sa kaliwang mata ni Donaire mula sa isang accidental headbutt.
Nanalo si Donaire kay Vetyeka via unanimous technical decision.
Bagama’t nanaig kay Vetyeka ay lumitaw naman ang pagkawala ng kanyang lakas at liksi sa featherweight category.
Sa kanyang ikalawang sunod na laban sa nasabing dibisyon ay hinarap ni Donaire si WBA Regular featherweight titlist Nicholas Walters ng Jamaica noong Oktubre 18 sa Carson, California para sa undercard ng Gennady Golovkin vs. Marco Antonio Rubio bout.
Ito ang unang pagdedepensa ni Donaire sa kanyang suot na WBA (Super) featherweight crown.
Mas kuminang ang lakas ni Walters matapos pabagsakin si Donaire nang una ang mukha sa canvass sa 2:59 minuto ng sixth round kasunod ang pagpapahinto ni referee Raul Caiz, Jr. sa laban.
Bago ito ay napaputok muna ni Walters ang kanang mata ni Donaire sa fourth round.
Pinuri ni Donaire si Walters sa pamamagitan ng kanyang Facebook page matapos ang kanyang kabiguan.
“I’m honored I lost to him in the fight we had. I hit him with everything I had and he just kept coming. Thanks to all my friends family and fan who believed in me and still believe in me. I love u all. God bless,” dagdag pa nito.
Dadalhin ng 32-anyos na Filipino boxing star ang kanyang 33-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts.
Sinasabing magbabalik sa boxing ring si Donaire sa Marso ng susunod na taon sa kanyang pagbaba sa super bantamweight diviison. (Russell Cadayona)