Bulls pinabagsak ang Nuggets; Gay nagbida sa panalo ng Kings
CHICAGO -- Ibinangon ni Derrick Rose ang kanyang sarili mula sa mahinang laro sa pamamagitan ng pagsasalpak ng mahahalagang basket sa dulo ng fourth quarter.
Humugot si Rose ng 13 sa kanyang 17 points sa final canto para tulungan ang Chicago Bulls sa 106-101 panalo laban sa Denver Nuggets.
Umiskor si Jimmy Butler ng 26 para banderahan ang Chicago, habang nagdagdag si Pau Gasol ng 17 points, 9 rebounds at career-high na 9 shotblocks.
Naglista ang Bulls ng franchise-record na 18 blocks patungo sa kanilang ika-11 panalo sa nakaraang 13 laro.
Nakuha ni Rose ang kanyang porma matapos ang dalawang sunod na malamyang laro.
“My mentality is not going to change,” wika ni Rose. “I’m going to shoot the ball. I’m a scoring guard.”
Nagtala ang 2011 MVP ng 7-of-25 fieldgoal shooting matapos magposte ng mahinang 7-for-35 clip sa nakaraan nilang dalawang laro.
Pinamunuan naman ni Wilson Chandler ang Denver mula sa kanyang 22 points.
Nag-ambag si Ty Lawson ng 20 points kasunod ang 19 ni Arron Afflalo, habang humakot si Kenneth Faried ng 18 points at 19 rebounds para sa Nuggets.
Kinuha ng Chicago, iniwanan ang Denver sa 13 puntos sa third period, ang 100-97 sa huling 46 segundo.
Nagsalpak si Rose ng isang 21-foot jumper, kasunod ang dunk ni Faried sa natitirang 22 segundo para idikit ang Nuggets sa tatlong puntos na agwat.
Sa Minneapolis, kumolekta si Rudy Gay ng 21 points, 6 rebounds at 5 assists para ihatid ang Sacramento Kings sa 110-107 panalo kontra sa Timberwolves.
Ipinalasap ng Sacramento ang pang-10 sunod na kabiguan ng Minnesota.
Naglista si DeMarcus Cousins ng 19 points at 7 rebounds, habang gumawa si Darren Collison ng 21 points at may 17 si Derrick Williams.
Pinamunuan naman ni Andrew Wiggins ang Timberwolves sa bisa ng kanyang 27 points at 9 rebounds.
- Latest