MANILA, Philippines – Kung sino ang makapagbibigay sa kanya ng malaking premyo ang siyang lalabanan ni Floyd Mayweather, Jr.
Ito ang sinabi ni Jeff Mayweater, ang uncle/trainer ng American world five-division titlist na si Mayweather sa panayam ng Pro Boxing Insider.
Ayon kay Jeff, sinuman kina Manny Pacquiao at Briton Amir Khan ay maaaring sagupain ni Mayweather sa susunod na taon.
“This is business, especially at this point in Floyd’s career that’s what it’s about -- walking away with the most money,” wika ni Jeff kay Mayweather.
Bagama’t pumayag nang labanan si Pacquiao sa Mayo 2 ng susunod na taon ay wala pa ring katiyakan kung sinsero si Mayweather.
Sinabi ng 35-anyos na si Pacquiao na maniniwala lamang siya sa pahayag ni Mayweather kung makikita niya ang lagda ng 37-anyos na American fighter sa kanilang fight contract.
Ayon kay Mayweather, hindi na matatanggap ni Pacquiao ang nauna niyang inalok na premyong $40 milyon para labanan siya.
Hindi naman iniisip ng Filipino world eight-division champion ang kanyang makukuhang premyo kundi ang maibigay sa mga boxing fans sa buong mundo ang kanilang kahilingan.
At iyon ay ang super fight nila ni Mayweather.
Kung sakali ay inaasahang magiging record sa pay-per-view buys ang Pacquiao-Mayweather mega showdown.
“It’s not about fighting an opponent because he beat this guy. That don’t matter. That don’t matter to Floyd,” sabi ni Jeff. “At the end of the day, if you can do numbers you got a good shot.”
Para naman kay chief trainer Freddie Roach, takot lamang si Mayweather na madungisan ang malinis niyang boxing record kaya ayaw nitong labanan si Pacquiao.
Malaki ang tsansa ni Pacquiao na talunin si Mayweather dahil sa kanyang bilis at lakas.
Isang malaking hamon si Mayweather para kay Pacquiao.
Kaya naman dapat maging perpekto ang ipapakitang laban ng Sarangani Congressman kontra sa American fighter.
“He is a challenge. I have a great fighter but we have to fight the perfect fight to win this fight,” sabi ng boxing hall of famer na si Roach kay Mayweather.
Mayroon nang estratehiya si Roach sakaling matuloy ang laban.
“We’ll do certain things, be a little meaner and be a little more feisty,” wika ni Roach.