MANILA, Philippines – Ang kailangan na lamang nilang gawin ay ipakita kay Floyd Mayweather Jr. ang pera.
Handa ang isang investment group mula sa Abu Dhabi na bigyan si Mayweather ng $120 milyon para labanan si Manny Pacquiao sa Middle East sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ni M. Akbar Muhammad, isang boxing executive na kumakatawan sa nasabing Abu Dhabi group na gustong maitakda ang Pacquiao-Mayweather super fight sa 2015. Nauna nang inihayag ng grupo na maglalatag sila ng $200 milyon para sa naturang laban at ang $110 milyon ay mapupunta kay Mayweather.
Ang matitira sa naturang pondo ang siya namang tatanggapin ni Pacquiao.
Dahil lumalaban siya para sa pera, inaasahang kakagatin ito ni Mayweather.
“The media has been speculating the offer has gone up $10 million to aguaranteed $120 million, and they’re right,” sabi ni Muhammad
Sinabi ni Mayweather na payag na siyang labanan si Pacquiao sa May 2 sa susunod na taon.
“Mr. Mayweather has said he’ll fight Pacquiao in the spring, so theonly matter that has to be resolved is the money,” wika ni Muhammad.
“I defy any other offer to come anywhere close to what Mr. Mayweather and the ‘Money Team’ will net by fighting in Abu Dhabi. It simply can’t and won’t be done,” dagdag pa nito.
Halos limang taon nang pinipilit maplantsa ang Mayweather-Pacquiao fight na inaabangan ng boxing fans sa buong mundo na mangyari.
Kung mangyayari ito ay inaasahang babasagin ng Pacquiao-Mayweather bout ang nakatayong record sa boxing mula sa prize money hanggang sa pay-per-view sales.
“This dwarfs by far any amount an individual in the richest sports – baseball, football, basketball, soccer, cricket, tennis, golf and Formula 1 racing – has ever received,” pahayag pa ni Muhammad.
Si Muhammad na president at chief operating officer ng Akbar Promotions, LLC sa New Jersey, ay dating nagtrabaho kay Don King bukod sa karanasan na maging manager ng limang world champion at dalawang Olympic gold medalists. Sa ginawa ni Muhammad ay tunay na nasa kampo na ni Mayweather ang bola para ipakita kung seryoso nga ba siya sa sinabi na gustong makatapat si Pacquiao.