MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ni PBA Commissioner Chito Salud ang apat na magkakalabang koponan sa 2013-2014 PBA Philippine Cup Final Four na maging mahinahon, tutukan ang kanilang laro at ibigay sa mga fans ang magagandang laban.
“I encourage restraint at this point,” sabi ni Salud ukol sa palitan ng matatalas na salita sa pagitan ng mga top officials ng corporate rivals na San Miguel Beer at Talk ‘N Text at pag-ulan ng technical fouls sa RoS-Alaska game noong Lunes ng gabi.
Sinabi pa ni Salud na dapat kumilos at umasta ng tama ang mga team officials.
Tinira ni San Miguel team manager at governor Robert Non si TNT coach Jong Uichico “for conduct unbecoming of a coach,” habang binalikan naman ni MVP Group top executive Ricky Vargas ang SMC official sa ginawa nitong aksyon sa laro.
Kinukuwestiyon ni Vargas ang ikinikilos ni Non bilang league go-vernor na nakaupo sa team bench tuwing may laro.
Kaugnay sa isyu, sinabi ni Salud na tatalakayin niya ito at gagawa ng rekomendasyon sa PBA Board.
Matapos ang Game Two, ipinaramdam ni Uichico ang kanyang pagkadismaya sa officiating at inakusahan na pinapaboran ng mga referees ang mga SMC teams.
Ikinagalit naman ito ni Non at naglabas ng kanyang statement kung saan hiniling niya sa league commissioner na gawan ng aksyon ang alegasyon ng TNT.
Tiniyak ni Salud na hawak niya ang sitwasyon.
“I assure everyone concerned that game officials are prepped in advance to anticipate this sort of dynamics and hence are aware and equipped to deal with them as they happen,” sabi ni Salud.
Sa naunang statement, sinabi ni Salud na: “The referees will be firm steadfast and fair as they have been, so I call on the teams to focus on one thing and one thing alone: giving their best as they play the game on the merits. (NB)