MANILA, Philippines - Ibinigay ni Far Eastern University standout Ian Delos Santos ang ikalawang gintong medalya ng Team UAAP-Philippines sa athletics sa 17th ASEAN University Games sa Palembang, Indonesia.
Miyembro ng Tamaraws men’s athletics squad na umangkin sa Season 77 crown kamakailan, tinalo ni Delos Santos ang kanyang mga karibal mula sa Indonesia at Malaysia para pagha-rian ang decathlon.
Ikinabit ni delos Santos ang kanyang panalo sa pagkakampeon ni University of Santo Tomas ace Ernest John Obiena sa men’s pole vault noong Miyerkules.
Hanggang kahapon ay nakakuha ang Team UAAP-Philippines ng 9 golds, 10 silvers at 17 bronze medals para manatili sa fifth place sa medal tally sa huling dalawang araw ng kompetisyon.
Ito na ang pinakamagandang kampanya ng bansa sa naturang pinakamalaking multi-sporting event para sa mga student-athletes sapul noong 2008 nang manalo ng 8 golds sa Kuala Lumpur.
Nakuntento naman si Ateneo swimming stalwart Hannah Dato, naunang kumuha ng dalawang golds, sa silver medal sa women’s 400-meter individual medley swimming event sa kanyang oras na 5:02.30 sa ilalim ng nagreynang si Cai Lin ng Malaysia.
Pumangalawa si Clinton Kingston Bautista ng FEU sa men’s 100-meter hurdles sa kanyang bilis na 14.22 seconds, habang sumegunda rin si diver John David Pahoyo sa men’s 3-meter springboard event sa nakamit niyang 251.25 points.
Kinuha naman ni Elbren Neri ng UST ang bronze medal sa men’s 1500-meter run.