MANILA, Philippines - Nakuha ng Red Lakota at Siamo Famiglia ang mga panalo sa dalawang karera na ginawa ng Philippine Racing Commission (Philra-com) para sa mga nabiktima ng bagyong Ruby noong Lunes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Kevin Abobo ang sumakay sa Red Lakota na hindi naapektuhan ng pagkakalapag sa ikaapat na puwesto sa alisan sa 1,300-metro distansyang karera.
Ang Mactan Island ni Fernando Raquel Jr. na siyang second choice sa limang naglabanan ang nagdala ng trangko kasunod ng May Swerte Ako at Moonshine.
Pagpasok sa far turn ay nag-init na ang Red Lakota at mula rito ay isa-isang tinuhog ang mga nasa unahan para makuha ang panalo at makabawi mula sa pang-apat na puwestong pagtatapos sa huling takbo.
Sa kabilang banda, si RH Silva ang dumiskarte sa Siamo Famiglia sa 1,400m race at nanalo kahit second choice lamang sa Amazon.
Sa paglarga ng karera ay kita ang kahandaan ng tambalan na dominahin ang karera matapos kunin agad ang liderato.
Binigyan ng Siamo Famiglia ng pressure ang ibang katunggali pero ipinakita ni Silva ang kanyang pagkagamay sa kabayo para masundan ang panalong naitala noon pang Nobyembre 7 sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Ang Tarlak na diniskartehan ng apprentice rider na si Jaw Saulog ang pumangalawa bago tumawid ang Amazon ni Pat Dilema.
Naghatid ang Siamo Famiglia at Red Lakota ng P150,000.00 mula sa P250,000.00 kabuuang gantimpala na ipinagkaloob ng Philracom katuwang ang Red Cross.
Dahil nadehado pa sa bentahan, kumabig ang mga naniwala sa husay ng Siamo Famiglia ng P31.00 sa win habang ang 7-1 forecast ay mayroong P218.00 na ipinamahagi.
Sa kabilang banda, outstanding ang Red Lakota at balik-taya ang nangyari sa win habang P8.00 ang ibinigay sa 3-1 forecast. (AT)