Lady Falcons sinolo ang 3rd spot sa UAAP women’s volleyball

MANILA, Philippines – Nakitaan muli ng impresibong laro si Mylene Paat at ang Adamson La­dy Falcons ay nanalo sa ikatlong sunod na pagka­kataon laban sa UST Tig­resses, 25-17,15-25, 25-20, 25-20, sa pagtatapos ng aksyon sa 2014 ng 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

May anim na blocks si Paat tungo sa 15 hits, ha­bang si Amanda Villa­nueva ay may 10 kills para sa 15 puntos at ang Lady Falcons ay nagsolo sa ikatlong puwesto sa 3-2 baraha.

Nangyari ito dahil na­bigo ang NU Lady Bull­dogs sa FEU Lady Ta­maraws sa 23-25, 24-26,10-25, sa ikalawang la­ro.

Ang baguhang si Toni Rose Basas ay gumawa ng  14 kills tungo sa career-high na 15 hits, habang si Bernadeth Pons ay may 15 hits din, 10 dito ay sa unang yugto para magkaroon ng magandang pag­tatapos ang naunang ma­tamlay na kampanya ng FEU.

Nagpakawala ng 16 attack points ang Adamson sa ikatlong set para ba­wiin ang momentum at tuluyang ipalasap sa UST ang ika-limang pagkatalo matapos ang anim na laro

Tinalo ng UST Tigers ang FEU Tamaraws, 22-25, 25-19, 27-25, 25-22, habang nanalo ang Adamson Falcons sa La Salle Archers, 25-16, 22-25, 25-20, 21-25, 15-13, para manatiling magkasalo sa ikalawang puwesto sa men’s division.

Show comments