MANILA, Philippines – Napabuti sa kabayong Sea Hawk ang pagbuka nito papasok sa rekta nang manalo pa sa unang karera ng dalawang araw na pista sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Pumangalawa ang kabayo sa huling takbo noong Nobyembre 16 sa Santa Ana Park at ibayong lakas sa rematehan ang naipamalas nito para manalo sa class division 2 race na pinaglabanan sa 1,200-metro distansya.
Si Gilbert Mejico ang hinete ng kabayo na naunang nalagay sa pang-anim na puwesto sa alisan. Ang mga kabayong Alpha Alleanza, Don Guru at Some Like It Hot ang mga naunang nagsukatan hanggang sa pagpasok sa huling kurbada.
Nasa labas na labas ang Sea Hawk dahil bumuka pa sa far turn pero napaganda ito dahil maluwag ang daanan at walang nakapigil sa pagragasa ng tambalan tungo sa panalo.
Ang Alpha Alleanza na hawak ni AM Basilio ang pumangalawa ng halos dalawang dipang layo sa Sea Hawk. Dehado ang nagwaging kabayo at nagpasok ng P56.00 dibidendo sa win habang ang 5-3 forecast ay mayroong P145.00 na ipinamahagi.
Isa pang nagpasikat ay ang kabayong Flicker Of Hope sa race two na inilagay sa 1,000-metro na Special Handicap Race. Buo na dumating ang kabayong nirendahan ni Jaw Saulog sa siyam na kabayong naglaban upang makatikim ng panalo.
Pumangalawa lamang ang Attila na pinatawan ng 56-kilos handicap weight. Ang 4-2 forecast ay naghatid ng P177.50 dibidendo habang ang win ay may P35.50 ipinamahagi.
Si Jericho Serrano ang hinete ng Mrs. Jer na tumakbo kasama ang coupled entry na September Morning sa Handicap Race 2 sa 1,000-meter sprint race.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng kabayo at dinaig nito ang Eioneioneione ni RH Silva. Umabot sa P7.50 ang ibinigay sa win habang ang 4-6 forecast ay mayroong P137.50 dibidendo. (AT)