HONG KONG – Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ni Manny Pacquiao si Floyd Mayweather Jr.
At bago pa man maumpisahan ang negosasyon ay iniisip na ni Pacquiao ang nasabing super fight na pinakahihintay na mangyari ng buong mundo.
Idineklara ni Pacquiao ang kanyang kahandaang sagupain si Mayweather makaraang patumbahin ng anim na beses si American challenger Chris Algieri noong Linggo para mapanatiling hawak ang kanyang WBO welterweight crown.
Kuntento ang future Hall of Famer sa kanyang ipinakita kontra kay Algieri ngunit hindi niya sinabing perpekto na ito.
Sa perfect score na 10 ay binigyan niya ang kanyang sarili ng 7.
“If I will rate myself in that fight, it’s a seven. It’s not yet a 10,” sabi ni Pacquiao. “But it’s Floyd Mayweather, it should be nine or 10. If it’s Maywea-ther, I will use more of plyometrics.”
Sinabi pa ng Filipino boxing superstar na maaari niyang harapin si Mayweather sa 147 pounds at hindi na sa mas mataas na timbang.
“One forty-seven,” wika niya sa mga Pinoy sportswriters.
“And if I fight him it will not be only for one fight. It could be two or three fights,” sabi pa ni Pacquiao sa posibleng pagkakaroon ng rematch clause sa kanilang fight contract.
Ayon kay Bob Arum, maaaring maitakda ang laban sa unang anim na buwan ng 2015 at idaraos sa venue sa labas ng Las Vegas, kasama na ang AT&T Center (dating Cowboys Stadium) sa Dallas.
Sinabi naman ng adviser ni Pacquiao na si Mike Koncz na seryoso si Pacquiao na bumaba sa 140 pounds kung saan muling makikita ang kanyang lakas at liksi.
Sa paglaban sa 147 pounds, sinabi ni Koncz na nahihirapan si Pacquiao na makaiskor ng knockout dahil sa mas matatangkad niyang kalaban.
“What people don’t really understand, especially the casual boxing fans is that we’re fighting at a weight much higher than our natural body weight,” ani Koncz. (AC)